Nagkaroon ng kaguluhan sa burol ni Comedy King Dolphy sa Heritage Park sa Taguig City nang magtagpo sina Annabelle Rama at inirereklamo nitong showbiz reporter nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng GMA News Saksi, sinabing unang naganap ang komprontasyon nina Annabelle at inirereklamo niyang showbiz reporter na si Chito Alcid sa loob ng comfort room.
Subalit umabot ang komprontasyon sa dining area kung saan nandoon din ang ilang nakikipaglamay na celebrities kasama na ang dating aktres na si Amalia Fuentes, na kaalitan din ni Annabelle.
Ayon kay Alcid, may dala umanong bread knife si Annabelle nang sugurin siya.
Dagdag pa niya, noon pa umano siya tinatakot ni Annabelle sa mga ipinadala nitong text message.
Sinabi naman ni Amalia na walang makaawat sa pagwawala si Annabelle, maliban kay Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.
Matapos ang insidente, kaagad umanong umalis si Annabelle kasama ang mister nitong si Eddie Gutierrez.
Dahil dito, hindi kaagad nakunan ng GMA News ng pahayag si Annabelle.
Pero sa mga post ni Annabelle sa kanyang Twitter account, sinabi nito na si Alcid ang sumunod sa kanya sa comfort room.
@annabellerama2: “nakita ko yung baklang duwag, fake na reporter sa dining.
“Sinundan nya ako sa cr at hinarap nya ako, akala ng gago na yan na natatakot ako sa kanya.
“Kaya ko sya hinampas ang yabang kase dahil marami syang kasama. Duwag matapang ka lang sa facebook at twitter.
Nitong nakaraang buwan, kinasuhan ni Annabelle ng libel sa Cebu City sina Alcid, Amalia at Nadia Montenegro.