Iniiwasan pa rin ni Jose Manalo na pag-usapan ang tungkol sa mga pinagdaanan nitong isyu sa asawang si Anna Lyn Manalo.
Pagkatapos mabasura ang kasong Violation of Republic Act 9262, o Anti-Violence Against Women and Children, na isinampa ni Anna Lyn laban sa kanya, gusto nang manahimik ni Jose.
Ayaw na raw niyang palakihin pa ito alang-alang sa kanilang mga anak.
Pero inaamin niyang sa ngayon ay parang nagsisimula na naman siya, at kailangan niyang mag-ipon para may maipundar.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jose sa first shooting day ng pelikulang Si Agimat, Si Enteng Kabisote At Si Me noong Sabado, June 28, sa N. Domingo, Quezon City.
Nang tinanong namin sa kanya ang condo unit na nabili niya noon, napangiti lamang ang komedyante.
Halatang iniiwasan na lang niyang pag-usapan kung bakit wala na ang condo na tinutukoy namin.
Sabi lang niya, “Parang nag-i-start pa uli, e. Kailangang mag-ipon pa muna.
“Hindi ako susubo agad sa bagay na bibili kaagad, na hindi mo pa naman kaya. Huhulugan mo lang? Siguro mag-ipon pa muna talaga.
“Kung meron mang sapat na pera, ayoko pa ring isubo sa ganun.
“Kung magpatayo man ng bahay, baka mamaya… yun nga, baka hindi matapos, hindi natin alam kung kailan.
“Kung may maiipon, mag-ipon.
“Kumbaga, yung mga naipon ko, magagamit sa pag-uumpisa. Mag-ipon lang nang mag-ipon para maging maayos.
“Kung meron mang darating na negosyong puwedeng gawin, gawin natin. Para mag-start ka sa isang negosyo na puwedeng gawin.
“Hindi lang ito yung maasahan mo, na kung sakali, huwag naman sana, na kung matapos ang trabaho natin, meron agad tayong trabaho na puwedeng gawin."
LESSONS LEARNED. Marami raw siyang natutunan sa mga pinagdaanang problema at isyung kinasangkutan.
Pero mas gusto ni Jose na huwag na lang magsalita matapos niyang malampasan ang mga ito.
Aniya, “Sa akin, wala kayong maririnig kundi puro pasasalamat lang talaga ang marinig niyo sa akin.
“Kung nalagpasan man, siguro lahat ng tao, hindi pa. Meron pa sigurong dumarating.
“Hindi lang naman ako, e. Meron pa ring problema ang bawat isa sa atin."
Ang tanging hangad lang daw ni Jose ay maayos na ang lahat, para tuluy-tuloy na ang kanyang pagsisimula sa bago niyang buhay.
“Sana nga maayos na," asam niya.
“Wala naman siyempre tayong hinahangad kundi maayos na ang lahat.
“Hangga’t maaayos, ayusin."
JOSE’S CHILDREN. Pagdating sa kanyang asawa, ayaw nang pahabain pa ni Jose ang usapan.
Sinundan ito ng tanong ng PEP kung maayos ba naman ang komunikasyon niya sa kanyang mga anak.
“Hindi pa ganun kaayos, pero maaayos din yun," sagot ni Jose.
Pero hindi naman daw siya nagkukulang sa pagbibigay ng suporta sa kanyang mga anak.
“Di baleng wala na akong maisusubo sa bibig ko, basta may maibibigay lang ako sa kanila.
“Siguro magiging okay naman ang lahat," sabi niya.
WORK, WORK, WORK. Isinusubsob na lang ngayon ni Jose ang kanyang sarili sa trabaho.
Bukod sa Eat Bulaga!, lagare sila ni Wally Bayola sa dalawang pelikula.
Tinatapos nila ang lead-starrer nilang Sa Iyo ang Bangkusay, Akin ang Pritil.
Nagsimula na rin sila para sa Metro Manila Film Festival 2012 entry na Si Agimat, si Enteng Kabisote, at si ME, na pinagbibidahan nina Senator Bong Revilla, Vic Sotto, at Judy Ann Santos.