Manila : Wala pang natatanggap na kopya ang kampo ni Cesar Montano ukol sa reklamong inihain sa kanya ng asawang si Sunshine Cruz nitong Martes, Agosto 13, kaugnay sa reklamo na alinsunod sa Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.
Ayon sa abogado ni Cesar na si Atty. Joel Ferrer, agad umano silang nagpulong ng kanyang kliyente matapos mabalitaan ang pagsasampa ng reklamo ni Sunshine sa piskalya sa Quezon City.
Ayon sa ulat ng "News To Go" nitong Miyerkules, nagtaka raw si Cesar sa akusasyon ng asawa kaugnay sa sinasabing panggagahasa nito noong Mother's Day, May 12, dahil inimbitahan siya ni Sunshine na lumabas kasama ang mga bata sa nasabing araw.
Gayundin, sa bahay na rin ni Sunshine natulog si Cesar at kung may nangyari sa pagitan nilang dalawa ay kagustuhan umano nila ito at walang nangyaring panggagahasa.
May tatlong anak ang mag-asawa sa 13-taon nilang pagsasama.
Paninindigan naman ng kampo ni Sunshine na rape ang nangyari sa kanilang dalawa noong Mother's Day.
Wika pa ni Atty. Bonifacio Alentajan, abogado ni Sunshine, "May usapan na 'yan sila (na) ipagpatuloy 'yong sustento. So nagbigay naman noon ng sustento si Cesar pero tatlong buwan lang tapos tinigil na niya. Siguro, mga nangyari, between that time up to yesterday [Agosto 13], marami nang nangyayari between the couple so siguro Sunshine decided to take legal action."
Bukod pa rito, mas gusto umanong manatili ng mga anak nilang dalawa sa poder ni Cesar ayon kay Atty. Ferrer.
Aniya, "Na-interview ko 'yong panganay [Angeline] kagabi [Agosto 12]. Tinanong ko siya saan mo ba gusto? Ang sinasabi niya gusto niya kay Cesar. Ganon din po 'yong bunso [Angel]. Ang sabi niya, 'yong tinitirahan nina Cesar ngayon, 'yong kanilang bahay ay mas maluwag para sa mga bata."
Patuloy pa nito, "Ang sabi po ni Angeline and to quote, gusto niya kay Cesar na manatili dahil 'pag na kay Sunshine siya, eh gawa nong kaso na hinaharap nila, baka hindi na raw nila makita si Cesar. At 'yon nga ang problema diyan. Ina-apply ni Sunshine ang Permanent Protection Order."
Ang Permanent Protection Order ay hiniling ni Sunshine nitong Agosto 12 laban sa asawang si Cesar.