Robredo, ginunita sa unang anibersaryo ng kanyang pagkamatay


By on 6:27 AM

Kasama ang ilang taga-suporta ng kanyang asawa, pinangunahan ni Congresswoman Leni Robredo ang isang fluvial parade sa Masbate upang gunitain ang unang annibersaryo ng pagkamatay ni Interior Secretary Jesse Robredo.

Sakay ng isang barko ng Philippine Navy, nagsimula ang programa sa pamamagitan ng isang Misa na sinundan ng pag-aalay ng bulaklak, ayon sa isang report ni Cesar Apolinario sa programang “Balitanghali” nitong Sabado.

Ika-18 ng Agosto noong nakaraang taon nang bumagsak sa dagat ng Masbate ang sinasakyang eroplano ni Robredo. Namatay si Robredo at dalawang piloto at tanging ang kanyang police aide na si June Abrazado ang nakaligtas sa nasabing insidente.


Pauwi na sana sa Naga City si Robredo mula sa Cebu nang magkaroon ng problema ang isang makina ng eroplano.

Sinubukan ng piloto na mag-emergency landing sa Masbate airport ngunit tuluyan nang bumagsak ang eroplano sa dagat.

Ilang mga aktibidad para sa “Robredo Month:”
August 18 – Idaraos ang tinatawag na “Tsinelas Walk” sa Naga City kung saan ang mga pultiiko at mga taga-suporta ni Robredo ay sasali sa isang parade habang nakasuot ng tsinelas. May mga Misa rin na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

August 24 – Mamamahagi din ng mga tsinelas at may storytelling sa Estero de San Agustin sa Lungsod ng Maynila. Ipalalabas din ang isang dokumentaryo ukol sa buhay ni Robredo sa Leong Hall sa Ateneo Manila University.