Public apology ni Cristine Reyes, hindi tinanggap ng ate niyang si Ara Mina


By on 1:29 AM

Hindi tinanggap ni Ara Mina ang public apology sa kanya na ginawa ng nakababata niyang kapatid na si Cristine Reyes.

Sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nakasaad sa ipinadalang pahayag ni Ara na hindi siya naniniwalang sinsero sa paghingi ng patawad ang kanyang kapatid.

“Napanood ko ang sinasabi niyang public apology at hindi ako kumbinsido na ito ay bukal sa kanyang loob," ayon kay Ara.

Una rito, kinasuhan ni Ara ng libel at grave coercion si Cristine dahil sa mga umano’y mapanirang text messages tungkol sa kanya na ipinadala sa kanilang kaibigan.

Ang akusasyon ay itinanggi naman ni Cristine.

Sa panayam ng isang showbiz talk show sa kabilang network nitong Linggo, sinabi ni Cristine na humihingi siya ng paumanhin sa kanyang ate kung nasaktan man niya ito.

Handa rin daw siyang lumuhod sa harap ni Ara kung kailangan para sa ikatatahimik ng kanilang pamilya.



Sa pahayag ni Ara sa GMA News, sinabi nito na nais niyang aminin muna ni Cristine ang nagawang pagkakamali bago ito humingi ng patawad.

“Simple lang naman ang aking kahilingan, aminin niyang siya ay nagkamali at saka siya humingi ng tawad," pahayag ni Ara.

“Mahal ko ang aking kapatid kaya gusto ko siyang matuto. Sa kasalukuyang mga pangyayari, mukhang hindi pa rin niya ito natutunan," dagdag ng aktres.

Sinabi ni Ara na hindi niya gustong makulong si Cristine pero nais niya itong turuan ng leksiyon.

Sinusubukan naman ng GMA News na makuha ang panig ni Cristine tungkol sa nasabing isyu.